Iginiit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na ang deklarasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng alert level 4 sa Israel at Gaza, ay dapat na sabayan ng mabilis na pag-aksyon para matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan doon.
Ito ay dahil pa rin sa giyera sa pagitan ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.
Kasabay ng pagdedeklara ng alert level 4 ay minamandato na ang repatriation para mga Pilipino.
Ayon kay Go, kinakailangang bigyan agad ng ligtas na daan papalabas ng Gaza ang mga Pinoy na nagnanais nang umalis sa lugar o di kaya ay magkaroon sila dapat ng ligtas na matutuluyan, base na rin sa minamandato ng International Humanitarian law.
Bilang isang mambabatas, nangako si Go na susuportahan niya ang lahat ng mga hakbang para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
Kasabay nito ay ipinahayag ng mambabatas ang kanyang patuloy na pagdadasal para matigil na ang kaguluhan sa naturang bahagi ng mundo. | ulat ni Nimfa Asuncion