Masaya ang mga mamimili sa Lungsod ng Tuguegarao sa pagbaba ng presyo ng bigas na kanilang binibili.
Maliban kasi sa regular milled at well milled rice, may nakita ring pagbaba sa presyo ng ilang mga premium rice na mula dalawang piso hanggang limang piso.
Sa pag- iikot ng Radyo Pilipinas Tuguegarao sa ilang mga nangungunang bilihan ng bigas sa lungsod, ang regular milled rice ay mabibili ng P39 kada kilo, habang sa well milled rice naman ay may mabibili ng P41-45 kada kilo.
Ayon kay Caroline Aquino, isang rice Miller sa Cagayan, hindi pa stable ang presyo ng bigas sa ngayon dahil wala pa sa peak ng harvest season.
Hindi pa nila masasabi kung may aasahang pagbaba pa sa presyo sa susunod na mga araw dahil sa kasalukuyan, mahal parin ang bilihan ng mga ito ng palay.
Batay sa pinakahuling monitoring ng DA Regional Field Office 02, nasa P 23.56 ang average ng bilihan ng dry na palay sa rehiyon habang P 19.89 sa fresh.
Ayon sa DA RFO2, kung wala pang nakikitang paggalaw lalo na sa pagbaba ng presyo ng bigas sa ngayon, ay dahil sa kasalukuyan palang ang pagbili ng mga miller ng palay kaya wala pang nagigiling na bigas ang mga ito para maibenta sa mas murang halaga.| ulat ni Dina Villacampa| RP1 Tuguegarao