Nakakabahala ayon kay Senate Committee on National Defense chairman Senador Jinggoy Estrada ang ginawa ng Chinese Navy vessel na shadowing at tangkang pagharang sa resupply mission ng Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Estrada na pinapakita lang nito ang mga kinakaharap ng ating bansa na hamon at komplikasyon sa rehiyon.
Kaisa aniya ang mambabatas ng ating sandatahang lakas sa pagkondena sa aksyon ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) Navy ship dahil malinaw na inuudyukan lang nila tayong gumanti o gumawa ng hakbang na salungat sa umiiral na mga prinsipyo sa ilalim ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).
Iginiit ni Estrada na ang ganitong klase ng pagmamaniobra ng China ay hindi dapat palampasin ng ating mga kinauukulan.
Dapat aniyang patuloy nating panindigan ang ating karapatan, protektahan ang ating teritoryo at igiit ang ating soberanya sa pamamagitan ng mapayapa at legal na pamamaraan.| ulat ni Nimfa Asuncion