Malugod na tinanggap ng Philippine Air Force (PAF) ang pag-isyu ng Department of National Defense (DND) ng “notice to proceed” sa pagkuha ng tatlong bagong C-130J-30 Super Hercules Transport aircraft.
Sa isang statement na inilabas ni PAF Spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo, nagpasalamat ang PAF sa Pambansang Pamahalaan at Deparment of National Defense sa pagtuloy na pagbili ng mga eroplano.
Ayon kay Castillo, inaasahan ng PAF ang pag-angat ng kanilang kapabilidad dulot ng mga bagong transport plane.
Malaking tulong aniya ang mga bagong eroplano sa “airlift capability” ng PAF na pang suporta sa mga operasyon ng militar, kabilang ang relief operations sa panahon ng kalamidad.
Unang inanunsyo ng DND na nakatakdang i-deliver ng American Aerospace company, Lockheed Martin, ang tatlong eroplano sa July 2026, October 2026, at January 2027. | ulat ni Leo Sarne