Tiniyak ng Pamahalaang Israel na tutulong sila upang mapauwi sa Pilipinas ang labi ng tatlong Pilipinong kumpirmadong nasawi dulot ng pag-atake ng rebeldeng Hamas sa kanilang bansa.
Ito ang tiniyak ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss makaraang makipagpulong siya kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo kahapon.
Kapwa nagpaabot ng pakikiramay sa isa’t isa ang dalawang opisyal bilang bahaging pakikisimpatiya ng dalawang bansa kasunod ng malagim na pag-atake ng Hamas na nagresulta sa pagkasawi ng maraming buhay kabilang na ang tatlong Pilipino roon.
Kabilang din sa mga tinalakay sa pagpupulong nila Sec. Manalo at Amb. Fluss ang pagdedeklara sa Hamas bilang teroristang grupo, gayundin ang repatriation para sa mga OFW sa Tel Aviv gayundin sa mga Pilipino sa Gaza Strip.
Nangako rin si Amb. Fluss kay Manalo na maliban sa pagpapauwi sa labi ng tatlong Pilipinong nasawi sa kanilang bansa, tutulungan din nila ang mga naulilang pamilya ng mga ito.
Mamayang alas-4 ng hapon, nakatakdang dumating sa Pilipinas ang unang batch o nasa 17 OFWs mula sa Israel lulan ng Etihad Airways na inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1. | ulat ni Jaymark Dagala