Mas masisiyahan pa ngayon ang mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela makaraang itaas pa ng pamahalaang panlalawigan ang presyo ng bibilhing palay.
Mula sa dating P25 sa pagsisimula nito noong Setyembre 21 na mas mataas ng dalawang piso mula sa government price na P23, ginawa itong P26, hanggang sa itinaas pa ngayon sa P27 kada-kilo ng dry palay o may moisture content na hanggang 14%.
Matatagpuan ang buying center ng kapitolyo sa Brgy. Sinabbaran, sa bayan ng Echague na bukas para sa mga kabilang sa masterlist ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture o marginalized farmers at nagsasaka ng hanggang dalawang ektarya.
Patuloy namang hinihikayat ni Gov. Rodito Albano III ang mga magsasakang Isabeleño na ipagpatuloy ang pagbebenta ng kanilang mga palay sa provincial government.
Dito ay binigyang-diin pa ng gobernador na libreng maipapagamit sa mga magsasaka ang truck na naipamahagi sa mga barangay, para sa pagbibiyahe ng kanilang produkto patungo sa buying center.
Sa ilalim ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (LGUs), kabilang ang provincial government ng Isabela sa mga LGU sa buong rehiyon sa mga nakakatuwang ng National Food Authority kung saan naglalaan ito ng pondo para maidagdag at mas maitaas pa ang presyo sa itinakda ng pamahalaan, partikular na sa dry palay. | ulat ni April Racho | RP1 Tuguegarao
📸 Isabela PIO