Kinasuhan na ng Department of National Defense (DND) ang mga aktibistang sina Jonila Castro at Jed Tamano dahil sa ginawa nilang pagbaliktad ng kwento tungkol sa kanilang kusang pagsuko sa militar na nagresulta sa pagkapahiya ng gobyerno.
Ayon kay DND Sec. Gilbert Teodoro, sinampahan nila ng kasong perjury at grave oral defamation ang dalawa sa Department of Justice (DOJ), dahil sa kanilang mga pahayag laban sa militar na kontra sa kanilang sinumpaang salaysay.
Giit ni Teodoro, hindi pwedeng palampasin ang pambabastos na ginawa ng dalawa sa militar at sa sagradong proseso ng gobyerno.
Naniniwala naman ang Kalihim na matibay ang kaso ng gobyerno dahil personal niyang pinag-aralan ito, at marami din aniyang testigo sa panig ng pamahalaan.
Matatandaang, unang pinalabas ng mga makakaliwang grupo na dinukot ng militar ang dalawa, na napatunayang kasinungalingan matapos na magbigay ng sinumpaang salaysay ang dalawa na kusa silang sumuko.
Pero biglang binago ng dalawa ang kanilang kwento sa live press conference ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at idiniin ang militar. | ulat ni Leo Sarne