Eksakto alas-3:26 ng hapon dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang 16 na overseas Filipino workers (OFW), na boluntaryong umuwi sa Pilipinas mula sa Israel matapos maipit sa kaguluhan doon.
Sa bilang na ito 15 ang caregivers, isang hotel worker, at isang buwang sanggol.
Ang orihinal na bilang ay 17 OFWs pero naiwan ang isang caregiver sa Abu Dhabi airport matapos makaranas ng chest pain.
Personal silang sinalubong ng mga senior official mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahaalaan, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Health (DOH).
Nauna rito ay nangako naman ang pamahalaan na magbibigay ito ng tulong gaya ng financial assistance na tig-P50,000 mula sa DMW at OWWA, bukod pa ang tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magbibigay din ng psycho-social counseling, stress debriefing, medical referral, at temporary accommodation sa mga OFW na uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Pagdating ng mga OFW ay dumiretso sila sa VIP Lounge ng NAIA Terminal 3 para sa maikling programa, at doon na rin ibinigay ang mga tulong gaya ng financial assistance, at care pack na naglalaman ng hygiene items at pagkain.
Matapos nito ay nagkaroon din ng pulong balitaan kasama ang nabanggit na limang ahensy, pati na sina Kabayan Party-list Representative Ron Salo at Senator Raffy Tulfo.
Dahil nga maselan ang kalagayan at may trauma pa ang mga OFW, dalawa lang sa kanila ang pumayag na humarap sa media.
Samantala, inihahanda na rin ng Embahada ng Pilipinas sa Israel ang pagpapauwi sa ikalawang batch na binubuo ng 19 na OFWs mula sa Israel. | ulat ni Diane Lear