Kinuwestiyon ni Senadora Cynthia Villar ang pagbaba ng alokasyon para sa National Greening program ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng panukalang 2024 budget ng DENR, pinunto ni Villar na mula kasi sa P4.5 billion ay naging P2.5 billion na lang ang hinihinging alokasyon para sa naturang programa.
Giit ng senador, dapat sana ay pinanatili na lang nila ang halaga ng alokasyon para sa naturang programa dahil minandato na aniya nilang sa mga protected areas na lang isagawa ang NGP para mas mapangalagaan ang mga lugar na ito.
Isa rin aniyang dahilan kung bakit ito inilipat sa mga protected areas ay para mas madaling ma-check at makita kung saan dinadala ang pera para sa National Greening program.
Pinaliwanag naman ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na nabawasan ang pondo para sa NGP sa susunod na taon dahil sinisikap nilang magkaroon ng mas episyenteng paggamit sa pondo.
Tiniyak rin ng kalihim na kayang ma-account ng maayos ang NGP at kaya nila itong maipakita sa pamamagitan ng satellite images.| ulat ni Nimfa Asuncion