Pinirmahan ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at BARMM Ministry on Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) para sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Pinangunahan nina Comelec Chairperson Atty. George Erwin Garcia at MBHTE Minister Mohagher Iqbal ang pagpirma ng kasunduan sa isang seremonya na isinagawa sa Dusit Thani Hotel sa Davao City, Huwebes ng umaga (Oktubre 19, 2023).
Sa isang talumpati, sinabi ni Garcia na ang nasabing kasunduan ay tanda ng pakikiisa ng BARMM government para sa tagumpay ng pagsasagawa ng BSKE sa Bangsamoro Region.
Nakapaloob sa kasunduan ang mga benepisyong matatanggap ng mga gurong nasa ilalim ng MBHTE na magsisilbi bilang Board of Election Inspectors (BEI) gaya na lamang ng honoraria, legal assistance at iba pang tulong para sa mga ito.
Kasama din sa pumirma ng kasuunduan sina BARMM Attorney General Atty. Sha Elijah Dumama-Alba at Executive Director Teopisto Elna Jr.
Sinaksihan ang nasabing okasyon nina BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim kasama ang ibang Comelec Commissioners na sina Atty. Nelson Celis, Atty. Ernesto Maceda Jr., Atty. Rey Bulay, Atty. Aimee Ferolino at Atty. Marlon Casquejo, at Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua. | ulat ni Armando Fenequito | RP Davao