Maagang nagtipon-tipon sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nasa 300 miyembro at lider ng mga transport group na bumubuo sa Magnificent 7 para ipanawagan ang pagbabalik ng nasuspindeng si LTFRB Chair Teofilo Guadiz III.
Kabilang sa mga nagtungo rito sina Pasang Masda President Obet Martin, Altodap President Boy Vargas, Acto President Liberty de Luna, Fejodap Pres. Ricardo Rebaño, at Stop and Go President Zaldy Ping-Ay.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, iginagalang nila ang desisyon ni Pangulong Fersinad R. Marcos Jr. nang suspendihin si noo’y LTFRB Chair Guadiz ngunit umaasa silang mababawi na ito lalo ngayong binawi na rin ang alegasyon ng korapsyon sa kanya.
Giit nito na sa pamumuno lang ni Guadiz naging maganda ang ugnayan ng mga transport group sa pamahalaan dahil agarang pinakikinggan at tinutugunan nito ang kanilang mga hinaing.
Hindi kasi aniya mahirap na lapitan ang dating LTFRB Chair kaya madali ring nabibigyang solusyon ang kanilang mga problema sa sektor.
Umaasa ang grupo na sa kanilang ‘rally for a cause’ ay maikonsidera ng Pangulo ang kanilang buong suporta kay suspended LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III. | ulat ni Merry Ann Bastasa