Maliban sa isang caregiver OFW mula Israel na napaslang ng grupong Hamas, isa pang Pilipinang household service worker na pinatay sa Amman, Jordan noong nakaraang linggo ay nakatakda ring iuwi sa bansa ngayong Sabado.
Sinasabing ang OFW ay iniulat na nawawala ng kanyang pamilya sa Migrant Workers Office sa Amman, Jordan (MWO-Amman) noong Oktubre 12, 2023.
Matapos ang isinagawang paghahanap, natagpuan ang bangkay ng Pilipina sa basement ng gusali kung saan siya nagtatrabaho.
Ayon sa isinagawang autopsy, namatay sa pagkakasakal ang biktima.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ng Jordan ang isang suspek na umamin sa ginawang krimen. Ito umano ang binatilyong anak ng caretaker ng gusali.
Tiniyak naman ng Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamilya ng pinaslang na OFW ang kanilang tulong at suporta partikular sa nasabing kaso.
Gayundin ang tulong sa pagproseso ng mga benepisyo na dapat matanggap ng pamilya at mga benepisyo ng OFW.| ulat ni EJ Lazaro