Positibo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mari-resolba ng Kuwait at Pilipinas ang usapin nito sa paggawa, kasunod ng naging bilateral meeting ng pangulo sa crown prince ng Kuwait sa sidelines ng ASEAN – GCC Summit sa Riyadh, Saudi Arabia.
Kung matatandaan, sinuspinde ng Kuwait ang pagi-issue ng entry at work Visa sa mga Pilipinong manggagawa, dahil umano sa non-compliance ng Pilipinas sa labor agreement ng dalawang bansa.
Kasunod ito ng ipinatupad na temporary ban ng Pilipinas sa deployment ng mga first time service workers sa Kuwait, matapos ang pamamaslang sa OFW na si Jullebee Ranara.
Ayon sa pangulo, hindi aniya gusto ng crown prince ang kasalukuyang relasyon ng Pilipinas at Kuwait pagdating sa labor issue, at wala dapat ihingi ng tawad ang Pilipinas.
Katunayan ayon sa pangulo, ang crown prince pa ang humingi ng paumanhin sa bansa, lalo’t hindi aniya ito sangayon sa mga nangyayari.
“The words that he used, ‘Do not listen to them. I do not agree with what they have been doing.’ And, in fact, he said, ‘I do not want…There is no reason for you to apologize to us,’” —Pangulong Marcos.
Siniguro aniya ng crown prince na aayusin ang usaping ito, lalo’t mahal ng Kuwait ang Pilipinas.
“‘We will fix it and we will make it because we love the Philippines.’ And he said, ‘Because I remember your father,’ Sabi naya, ‘He always supported Kuwait. He always supported us and we know that you will also always support us, that’s why we will fix this,” —Pangulong Marcos.
Sabi ni Pangulong Marcos, ang development na ito sa labor issue ng Pilipinas at Kuwait ay isa sa tagumpay ng pagtungo niya sa Saudi Arabia.
“Sinasabi ko nga sa ating mga kasamahan na just for that worth it na itong byahe natin dahil naayos natin ‘yung problema sa Kuwait, which talagang sumasakit ang ulo namin kung papaano namin gagawin. But that is one of the shall we say, successes that we can record from this trip,” —Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan