Nakalapag na ngayong hapon ang labi ng dalawang Overseas Filipino Worker na nasawi mula sa mga bansang Israel at Jordan.
Bandang 3:00 ng hapon lumapag ang eroplanong sinasakyan ng Pilipinang household service worker na pinatay sa Amman, Jordan.
Sinalubong ng mga kapamag-anak ng nasabing OFW ang labi nito kasama ang mga kawani mula sa DMW at OWWA.
Ayon kay DMW Usec. Bernard Olalia, nasa kustodiya na ng pulisya ng Jordan ang isang suspek na umamin sa ginawang krimen. Ito umano ang binatilyong anak ng caretaker ng gusali kung saan nagtatrabaho ang OFW.
Samantala, nakalapag na rin ang eroplanong lulan ang mga labi ng Pilipinang OFW caregiver na namatay sa Israel matapos protektahan nito ang matandang employer nang umatake ang grupong Hamas.
Kasalukuyang pinoproseso na ngayon para sa proper documentation ang mga nauwing labi ng mga OFW, ayon sa DMW.
Bukas ng 4:00 ng hapon inaasahang lilipad naman ito patungong Bacolod.| ulat ni EJ Lazaro