Nanawagan si Senate President Juan Miguel Zubiri sa China Coast Guard na respetuhin ang buhay ng mga tao at sumunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at iba pang international law tungkol sa Safe Maritime Travel.
Ginawa ni Zubiri ang naturang pahayag kasabay ng pagkondena sa pagbangga ng China Coast Guard sa sasakyang pandagat ng Pilipinas na nasa isang resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sinaluduhan ni Zubiri ang mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapakita ng tapang na ipagpatuloy ang resupply mission sa kabila ng naging aksyon ng China.
Ayon sa Senate president, dapat manaig at kilalanin ang ating kalayaang makapaglayag sa loob ng sarili nating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Muli ring iginiit ni Zubiri ang kanyang suporta sa mga hakbang ng mga kapwa niya mambabatas na taasan ang budget ng PCG at AFP para mas mapabuti ng mga ito ang pagbabantay sa ating teritoryo.
Bilang pinuno aniya ng Senado ay titiyakin niyang sa ilalim ng 2024 National Budget ay magkakaroon ng sapat na pondo ang ating tropa para sa kinakailangang upgrade ng kanilang mga kagamitan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion