Niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report tungkol sa panukalang magbubura sa utang ng mga agrarian reform beneficiaries (Senate bill 1850 & House bill 6336).
Sa ilalim ng panukala, makikinabang ang dalawang klase ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs):
Una ay ang mga ARB na may Agrarian Reform Receivable (ARR) account sa Land Bank at hindi pa nababayaran o hindi pa kumpleto ang bayad ng kanilang amortization sa principal, interest, penalties at surcharges ng kanilang mga lupain
At ikalawa ang mga nasa voluntary land transfer scheme at direct payment scheme.
Sakaling maging batas, ang condonation ay aabot sa 57 billion pesos na pakikinabangan ng higit 600,000 agrarian reform beneficiaries.
Umaasa naman si Senador Risa Hontiveros na lahat ng benepisyaryo ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ay magiging libre na ang lupa, delayed man o hindi ang pagbibigay sa kanila ng CLOA.
Inaasahan rin ni Hontiveros na magiging kaakibat ng panukalang ito ang mga serbisyong susuporta at insentibo sa mga magsasaka upang hindi nila ibenta ang kanilang mga lupang sakahan. I via Nimfa Asuncion