Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa kaso ng pamamaril sa isang kandidato sa pagka-punong barangay sa bayan ng Aguilar.
Batay sa impormasyon mula sa Aguilar PNP, lumabas sa kanilang imbestigasyon na naganap ang insidente 11:35 pm kagabi kung saan pagkalabas ng biktimang si Arneil Adolfo Flormata sa kanyang sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada ay bigla na lamang itong binaril sa ulo ng hindi pa nakikilala ang suspek.
Ayon pa sa PNP, katatapos lamang noon magtalumpati sa isang “Meeting de Avance” ng biktima at pumasok saglit sa kanyang sasakyan upang magpalit ng damit.
Matapos naman ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang tricycle na minamaneho ng hindi pa tukoy na kasamahan nito.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo si Flormata na dinala naman sa isang ospital sa bayan ng Mangatarem subalit idineklarang dead-on-arrival (DOA) ng doktor na tumingin dito.
Patuloy naman na inaalam ng mga otoridad ang posibleng motibo sa pagpaslang sa biktima na nagsisilbi din bilang Admin Supervisor ng Aboitis Solar Services. Gayundin, patuloy ang pangangalap ng dagdag na mga ebidensya ng mga kinauukulan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamaril at sa nagmaneho ng tricycle na ginamit nito upang makatakas. | ulat ni Ruel de Guzman | RP1 Dagupan