Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na magkakaroon pa ng panibagong mga batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) na mapauuwi sa Pilipinas mula sa Israel.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na nasa 120 pa ang nagpalista na nais na ma-repatriate sa bansa.
Ito ay dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Israel matapos umatake ang militanteng grupong Hamas.
Ngayong araw, may 25 na mga OFW ang dumating sa bansa, 16 dito ay caregivers at siyam ang hotel workers.
Ito na ang ikatlong batch ng mga OFW na napauwi sa Pilipinas mula Israel at sa kabuuan ay umabot na 60 ang mga OFW na napauwi.
Samantala, may ilang Pilipino rin mula sa Lebanon ang nagpahayag ng kagustuhan na mapauwi sa Pilipinas matapos itaas ang Alert Level 3 sa naturang bansa dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hezbollah.| ulat ni Diane Lear