Nagpulong ang Department of Education (DepEd) at mga kinatawan ng World Bank Group ngayong araw.
Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang naturang pulong kasama si Ndiame Diop ang Country Director ng World Bank sa Brunei, Malaysia, Philippines, at Thailand.
Ayon kay VP Sara, ikinatuwa niya na kinikilala ng World Bank ang malaking papel na ginagampanan ng edukasyon para sa pagbabago ng buhay at kinabukasan ng bansa.
Kabilang sa natalakay sa pulong ang pagsusulong at pagsasakatuparan ng MATATAG Agenda ng Kagawaran, gaya ng pagpapalawak ng pasasanay sa mga guro sa iba’t ibang rehiyon at pagpapatayo ng karagdagang mga matitibay na paaralan.
Napag-usapan din ang ginagawang DepEd Digital Education 2028 na programa ng ahensya.
Positibo naman ang Pangalawang Pangulo na ang naturang kolaborasyon at pagtutulungan ay magdadala ng makabuluhang pagbabago sa edukasyon sa bansa. | ulat ni Diane Lear