Nangako ang Philippine National Police (PNP) na kanilang ipagtatanggol at itataguyod ang kaligtasan gayundin ang kapakanan ng mga guro na magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Elections sa October 30.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. kasunod na rin ng panawagan ng Department of Education (DepEd) na tiyaking ligtas ang mga guro na gaganap bilang Board of Election Inspectors (BEIs) sa halalan.
Sa isinagawang send-off ceremonies sa Kampo Crame kahapon, sinabi ni DepEd Undersecretary Revsee Escobedo na patuloy sa pagganap sa kanilang tungkulin ang mga guro bilang bahagi ng kanilang mandato.
Para sa BSKE ngayong taon, aabot sa 494,662 guro ang magsisilbi sa halalan sa iba’t ibang kapasidad gaya ng pagiging BEIs, Board of Canvassers, Substitute, Support Staff, at Poll Clerks.
Ayon kay Usec. Escobedo, hind na kaila sa lahat na laging nabibiktima ang mga guro ng iba’t ibang uri ng karahasan sa tuwing sila’y nagsisilbi sa halalan.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Acorda na bahagi naman ng kanilang security plan tuwing halalan na tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at sa katunayan, sila na ang umaaktong BEIs sa sandaling nahaharap sa peligro ang mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala