Nilinaw ng dating aide ni suspended Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz III na si Jefferson Tumbado na walang kongresista ang kasama sa bigayan ng lagay sa LTFRB.
Sa Motu Proprio Inquiry ng House Committee on Transportation, inusisa ni Antipolo Representative Romeo Acop, chair ng komite, kung totoo bang idinawit nito ang dalawang mambabatas sa sinasabi niyang bayaran sa LTFRB para sa prangkisa o ruta.
Partikular dito si Ilocos Norte Representative Sandro Marcos at mismong si Acop.
Ayon sa kongresista, isang reporter ang humingi ng kaniyang reaksyon matapos umano siyang pangalanan ni Tumbado na kasama sa mga tumatanggap ng lagay.
Pero dahil hindi pa niya nakita ang naturang video clip at hindi pa nabasa ang affidavit ni Tumbado ay wala siyang tugon.
Paalala nito kay Tumbado na sa halos 50 taon niyang pagseserbisyo sa gobyerno ay hindi siya nasangkot o nakasuhan ng korapsyon.
Ayon naman kay Tumbado hindi niya dinadamay si Acop at si Representative Marcos sa isyu at posibleng na-misinterpret lamang ang kaniyang pahayag. | ulat ni Kathleen Jean Forbes