Hindi matitinag ang Pilipinas sa pagprotekta sa ating teritoryo at ating karapatan.
Pahayag ito ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. kaugnay ng panibagong insidente sa West Philippine Sea kung saan binangga ng barko ng Chinese Coast Guard ang sasakyang pandagat ng Pilipinas na nasa isang resupply misssion patungo sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Revilla, ang mga karaniwang gumagamit ng lakas o dahas ay ang kadalasang wala sa tama.
Sa kabila nito ay iginiit ng senador na dapat malaman ng lahat na kahit pa ipagpatuloy o kaya ay mas gawin pang matindi ng China ang pambu-bully sa Pilipinas, ay hindi tayo magpapatinag.
Samantala, iminungkahi ni Senador Francis Tolentino sa Department of Foreign Affairs (DFA) na magpatupad ng diplomatic countermeasures sa naging aksyon ng China at magkaroon ng masusing imbestigasyon sa insidente.
Dinagdag rin ni Tolentino na maaari ring silipin ang posiblidad na masingil ang China sa naging sira ng Unaizah May II o ang Philippine vessel na kanilang binangga at sa civil damages para sa stress na idinulot ng insidente sa crew ng supply boat. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion