Handa na ang pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange sa inaasahang bulto ng mga bibiyahe lalo ngayong mahaba-haba ang bakasyon dahil sa BSKE at paggunita ng Undas.
Sa isinagawang QC Journalists Forum, sinabi ni PITX Head of Corporate Affairs and Government Relations Jason Salvador na unti-unti nang nararamdaman ngayon sa terminal ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero na papauwi sa iba’t ibang probinsya.
Sa ngayon, pumapalo na aniya sa 100,000-110,000 ang foot traffic sa PITX.
Gayunman, inaasahang mula sa Oct. 27-Nov. 6 ay papalo pa ito sa hanggang 1.6 milyon.
Para naman matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, nakipagtulungan na ang PITX sa law enforcement agencies para sa pinaigting na security measures sa loob at paligid ng terminal.
Nakatakda ring magkaroon ng surprise inspection para sa bibiyaheng bus units at maging ang mga bus driver ay isasalang din sa drug test.
Hinikayat naman ng PITX ang mga pasahero na agahan na ang pag-book at magpa-online booking para bawas hassle. | ulat ni Merry Ann Bastasa