Tiniyak ng Department of Education (DepEd) ang suporta sa mga guro at mga kawani nito na gaganap ng kanilang tungkulin sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sa October 30.
Sa isinagawang multi-agency send-off and turnover ceremony sa Camp Crame sa Quezon City, siniguro ni Education Undersecretary for Operations Atty. Revsee Escobedo ang suporta ng kagawaran sa mga guro.
Tinatayang nasa mahigit 490,000 empleyado ng DepEd ang magsisilbi sa darating na BSKE 2023.
Nauna rito ay nagsagawa naman and DepEd ng orientation at training para sa mga guro, upang masigurong sapat ang kanilang kaalaman sa halalan.
Hinikayat naman ng DepEd ang publiko, na ipagbigay-alam sa kanila kung may mga election related concern o ‘di kaya ay tumawag sa BSKE hotline number na 8559 9951 at 8567 4560. | ulat ni Diane Lear