Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspendido ang pagpapatupad ng number coding scheme sa mga susunod na araw na idineklara bilang special non-working days.
Sa isang panayam, sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na kabilang sa mga araw na suspendido ang coding ay sa October 30, Lunes na araw ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Suspendido rin ang coding sa November 1, Miyerkules na Araw ng mga Santo, pati na rin ang November 2, Huwebes na Araw ng mga Kaluluwa.
Samantala, ayon kay Artes, papayagan naman ng MMDA ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw sa Undas.
Kaugnay nito ay nagpaalala naman ang MMDA sa mga bibiyahe sa panahon ng eleksyon at Undas na planuhing maigi ang biyahe, sumunod sa batas trapiko, at mag-ingat sa pagmamaneho. | ulat ni Diane Lear