Nanawagan si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na iprayoridad ang reintegration program para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na uuwi ng Pilipinas mula sa tensyon sa Israel at Lebanon.
Binigyang diin ni Go na kailangang makapaglatag ng komprehensibong repatriation at reintegration program na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga babalik na OFW.
Ayon sa senador, matapos silang matulungan na makalikas ng ligtas ay dapat mayroon ring handa at maayos na sistema ng suporta para sa kanila gaya ng job counseling, skills retraining at mga serbisyo sa mental health.
Maliban sa posibleng employment opportunities, kailangan rin aniyang maging handa ang gobyerno na bigyan sila ng tulong para sa kanilang physical at psychological well-being, temporary housing at tulong para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya.
Pinunto ni Go na mahirap ang pinagdadaanan ng mga OFWs doon dahil bukod sa nawalan ng trabaho, tirahan at ang ilan ay nawalan ng pamilya, matinding trauma rin ang kanilang nararanasan.
Aniya, responsibilidad ng gobyerno na ibigay ang lahat ng suporta para sa ating mga modern-day heroes na mga OFWs na nangangailangan ngayon ng tulong matapos na maipit sa kaguluhan sa Israel.| ulat ni Nimfa Asuncion