Nakiisa ang Philippine Red Cross (PRC) sa pagdiriwang ng World Polio Day, ngayong araw.
Ayon kay PRC Chairperson at Chief Executive Office Richard Gordon, pinaigting at pinalawak ng PRC ang vaccination drive nito laban sa polio, lalo na aniya dahil sa pandemya ay naantala ang immunization program para sa naturang sakit kung saan nagkakaroon ng mas mataas na risk ang mga bata sa komplikasyon ng polio.
Batay sa pinakahuling datos simula 2019 hanggang 2023, umabot na sa mahigit isang milyon na mga bata ang nabigyan ng PRC ng bakuna laban sa polio.
Nasa 6,000 mga volunteer ng PRC ang na-ideploy sa vaccination efforts nito at nasa 4,200 na mga komunidad ang natulungan. Kabilang dito ang ilang lugar sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Nagpasalamat naman si Gordon sa mga volunteer doctor at nurse ng PRC na kahit na aniya maulanan at maarawan ay patuloy ang pagsasagawa ng vaccination campaign.
Ang World Polio Day ay ipinadiriwang tuwing October 24, upang bigyang halaga ang pagpapabakuna sa mga bata laban sa polio at kilalanin ang mga ginagawa ng mga frontliner sa buong mundo para labanan ang sakit. | ulat ni Diane Lear
Photo: PRC