Nakarating na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong gawing mandatory ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa mga estudyante sa higher education institutions (HEIs) at technical-vocational institutions (TVIs).
Sa sesyon kagabi, ini-sponsor na ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang Senate Bill 2034.
Sa ilalim ng panukala, ang ROTC ay kukunin ng higher education students sa loob ng apat na semester at ang sinumang hindi sasailalim dito ay hindi makakapagtapos.
Magkakaroon rin ng espesyal na programa para sa mga estudyante na itinuturing na persons with disabilities (PWDs), may relihiyong hindi maaaring humawak ng armas, at mga nahatulan dahil sa krimen.
Layon ROTC Program na makapagbigay ng basix military at police training sa mga estudyante; linangin ang kamalayan ng mga estudyante tungkol sa pagmamahal sa bayan, pagrespeto sa karapatang pantao, pagdisiplina sa sarili at pagseserbisyo sa kapwa; at magturo ng mga praktikal na kaalaman at kasanayan na kailangan sa panahon ng kalamidad o emergency.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na may safeguards ang panukalang batas para maiwasan ang hazing, korapsyon at iba pang uri ng pang-aabuso sa programa.
Sa school at local level, bubuo aniya ng ROTC Grievance Board na siyang tatanggap at mag-iimbestiga sa anumang sumbong ng pang-aabuso, karahasan, at korapsyon.
Sa pambansang lebel naman ay magtatatag ng National Grievance and Monitoring Committee. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion