Kapwa nanguna sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Malabon Mayor Jeannie Sandoval bilang Top Performing NCR City Mayors, batay yan sa independent at non-commissioned survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).
Batay sa inilabas na 3rd quarter survey ng RPMD, nagkamit si Mayor Joy Belmonte ng performance score na 94% habang 93.1% naman si Mayor Jeannie Sandoval.
Apat na alkalde naman ang magkakahanay sa Top 2 spot kabilang sina Navotas Mayor John Rey Tiangco (92.7%), Caloocan Mayor Along Malapitan (92.5%), Parañaque Mayor Eric Olivarez (92.3%), at Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano (92.1%).
Pasok naman sa Top 3 sina Pasig City Mayor Vico Sotto (90.4%), Manila Mayor Honey Lacuna (89.7%), at Makati Mayor Abi Binay (89.5%).
May tatlo ring alkalde na nasa ikaapat na pwesto, kabilang sina Mandaluyong Mayor Ben Abalos Sr. (87.9%), Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon (87.5%), at Valenzuela Mayor Wes Gatchalian (87.1%).
Habang tie sa ikalimang pwesto sina Marikina Mayor Marcy Teodoro (85.8%) at Taguig Mayor Lani Cayetano (85.5%).
Ayon kay Dr. Paul Martinez, Executive Director of RPMD, kasama sa sinukat sa naturang survey ang mga sumusunod na criteria: service delivery, financial acumen, economic progress, leadership governance, environmental conservation, social initiatives, at engagement.
Ang naturang survey ay bahagi ng national poll “RPMD’s Boses ng Bayan” na isinagawa mula September 20-30 kung saan nasa 10,000 registered voters ang respondents. | ulat ni Merry Ann Bastasa