Kung magpapatuloy ang mataas na inflation na mas matagal sa inaasahan, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maaring magpatupad sila ng pag-angat ng interest rate sa loob ng linggong ito.
Mas maagang aksyon bago ang nakatakdang monetary board meeting para sa policy rate sa November 16.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, nakahanda sila ngayon para sa “off-cycle rate increase” bukas, October 26 o sa susunod na linggo.
Aniya, ito ay ibabase sa kanilang evaluation ng latest inflation outlook demands.
Paliwanag pa ng BSP official na kung aakyat ang inflation, may banta na maapektuhan nito ang “inflationary expectations” kaya kailangan magsagawa ng “off-cycle hike”.
Maaalalang una nang sinabi ng BSP chief na hindi niya isinasantabi ang 25 basis-point interest rate increase sa November 16 policy meeting kasunod ng mataas na inflation rate nitong nakaraang Setyembre.
Diin din nito na sa ngayon ang mataas na interest rates ay hindi nakakaapekto sa Philippine growth outlook. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes