Nanawagan si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Commission on Elections (Comelec) na pag-aralan ang pagbuo ng polisiya tungkol sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pangangampanya.
Ipinunto ni Go na maituturing na bagong pamamaraan ng pangangampanya ang AI kumpara sa tradisyunal na paraan.
Binigyang diin ng senador na dahil maaaring mabago ng AI ang facial features ng isang tao ay maaaring malabag nito ang prinsipyo ng pagiging totoo.
Aniya, mahalaga na katotohanan at transparency sa panahon ng botohan.
Kaya naman iminungkahi ni Go sa Comelec na pag-aralang mabuti na hindi magagamit ang AI sa panlilinlang o pagpapakalat ng kasinungalingan.
Una na ring nanawagan si Senador Francis Tolentino sa Comelec na silipin ang mga application na nagbabago ng mukha ng isang indibidwal.
Umaasa rin si Tolentino na makakabuo ang Comelec ng polisiya tungkol sa paggamit ng AI sa paggawa ng mga campaign at software materials para sa eleksyon, lalo na pagdating sa tanong na ano ba ang larawan na maaaring gamitin: kung ang kasalukuyang itsura ng kandidato o ang itsurang nais nilang ipakita sa mga botante. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion