Hindi bababa sa 200 katao ang inaresto matapos salakayin ng Commission on Elections (Comelec) at Navotas City PNP, dahil sa alegasyon ng vote buying.
Sa report na nakarating kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ginawa ang pagsalakay sa isang warehouse sa Policarpio St M. Naval Brgy. San Jose, Navotas City.
Nakuha sa mga inaresto ang bungkos ng pera na nagkakahalaga ng tig ₱300 at ₱500, kasama na ang pangalan at presinto ng bawat botante.
Sa inisyal na report, pawang mga taga Brgy. Prosperidad Malabon City ang mga inaresto na botante at gayundin ang organizers.
Hindi pa binabanggit ng Comelec ang pangalan ng kandidato na nasa likod ng umano’y vote buying na ito.
Pero sa pagtatanong ni Navotas City Election Officer sa mga inaresto, ang 200 katao ay bahagi daw ng mga kinuhang watcher ng isang kandidato habang ang pera ay pambayad sa kanila sa Lunes bilang inisyal na bayad sa kanilang trabaho.
Inihahanda na ang kasong isasampa sa mga inaresto pati na rin sa kandidato na nasa likod ng umano’y vote buying. | ulat ni Michael Rogas