Austria, nangangailangan ng karagdagang Pinoy Professionals at skilled workers

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pormal nang sinelyuhan ng Pilipinas at Austria ang isang kasunduan na magpapatibay sa unawaan gayundin sa ugnayan ng dalawang bansa.

Ito’y makaraang lumagda ng isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Department of Migrant Workers (DMW) gayundin ang Pamahalaan ng Austria, para sa recruitment ng mga Pinoy professional at skilled workers.

Nanguna sa paglagda ng kasunduan sa panig ng Pilipinas sina DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac at DMW Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan.

Habang sa panig naman ng Austria, nanguna sina Austrian State Secretary Susanne Kraus-Winkler, Ambassador Johann Brieger at Secretary General Karlheinz Kopf.

Ayon kay Cacdac, makasaysayan ang paglagda nila ng kasunduan ng Austria dahil nakararanas aniya ito ng kakulangan sa mga manggagawa sa kasalukuyan.

Partikular na kailangang manggagawa sa Austria ay magtatrabaho sa healthcare, engineering, information technology at turismo kung saan, maganda ang alok na pasuweldo at benepisyo.

Nagpasalamat naman si Cacdac sa Austria sa pagkakataon na ibinigay sa Pilipinas, at umaasa siyang magreresulta pa ito sa mas marami pang mga kasunduan sa hinaharap.

Kasalukuyang may 5,824 Pilipino ang nananatili ngayon sa Austria kung saan ay 1,220 rito ang nasa hospitality and food service, habang nasa 749 naman ang nasa health and social work service. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us