Nanawagan si Philippine Red Cross Chairperson at Chief Executive Officer Richard Gordon sa mga bansang Israel, Palestine, at Lebanon na hayaang makaalis sa kanilang mga bansa ang mga Pilipinong naiipit sa sigalot kasama ang kanilang pamilya.
Ginawa ni Gordon ang panawagan kasunod ng pinaigting na airstrike at ground assault ng Israel sa Gaza Strip sa nakalipas na 48-oras kontra sa grupong Hamas.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Gordon ang kanilang kahandaan para umalalay gaya ng kanila nang ginagawa sa mga nakalipas na panahon.
Sinabi pa ni Gordon, pagkakataon na ito para sa lahat ng bansa upang magkaisang manawagan sa mga nagkakagulong bansa sa Gitnang Silangan na mag-ingat at huwag idamay ang mga sibilyan mula sa pambobomba.
Giit pa niya, ang mga sugatang sibilyan ay kailangang payagang makalabas ng war zone at huwag dapat mapabilang sa casualties ng digmaan salig sa itinatadhana ng International Humanitarian Law.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority ngayong buwan, nasa 4.6 na porsyento ng kabuuang 1.96 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ay nasa kanlurang Asya kabilang na ang Israel at Lebanon. | ulat ni Jaymark Dagala