Malugod na tinanggap ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang imbitasyon ni Danish Ambassador to the Philippines Franz-Michael Skjold Mellbin sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard na magsagawa ng “study visit” sa Copenhagen.
Ang planong “study visit” ay para magpalitan ng impormasyon tungkol sa “law of the seas,” at kaalaman ukol sa naval, coastal, at marine defenses, at teknolohiya at doktrina ng Denmark.
Ang imbitasyon ay ipinaabot ng embahador sa kanyang pagbisita kay Sec. Teodoro sa Camp Aguinaldo.
Sinabi ng kalihim na ang imbitasyon ay napapanahon sa gitna ng umiiral na realidad sa larangang pandepensa.
Nagpasalamat din si Sec. Teodoro kay Amb. Mellbin sa kanyang pahayag ng pagsuporta sa Pilipinas kasunod ng huling insidente ng pangha-harass ng China sa Ayungin Shoal.
Napag-usapan din ng dalawang opisyal ang posibleng kooperasyon ng Pilipinas at Denmark sa larangan ng cyber defense, at information technology, partikular ang pag-kontra sa disimpormasyon. | ulat ni Leo Sarne