Patuloy na nakikipagtulungan ang House Committee on Ways and Means sa Bureau of Customs (BOC) upang masawata ang smuggling ng iba’t ibang kalakal, gaya ang agricultural products, tabako, at petrolyo.
Ipinunto ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na dahil sa mas mura ang smuggled na mga produkto, ay mamamatay ang ilang industriya gaya ng oil refining at pagsasaka at bumababa ang koleksyon ng buwis dahil sa iligal na tobacco products.
Kaya itinutulak ng mambabatas na buhusan ng pondo ang intelligence gathering ng Customs, upang mahuli ang mga sangkot sa smuggling.
“You only know what to catch if you know what’s coming. So, intel gathering is everything in Customs enforcement,” ani Salceda.
Dapat na rin aniyang palawigin sa pagbabantay ng private ports ang kapangyarihan ng BOC, lalo pagdating sa produktong petrolyo.
Dagdag nito na para mahuli ang malalaking smuggler ng produkto pati na ng droga ay kailangan palakasin ang sistema ng Adwana. | ulat ni Kathleen Jean Forbes