Ilang araw bago ang Undas ay nagtaas na ang presyo ng mga bulaklak na ibinebenta sa hilera ng flower stalls sa harap ng Himlayang Pilipino sa Pasong Tamo, Quezon City.
Sa Gomez Flower Shop, mabibili na ngayon sa ₱100 ang flower arrangement na nakalagay sa maliit na paso, mula sa dating presyo na ₱70.
Ang mga nakalagay naman sa basket, sagad na sa ₱350 ang presyo mula sa dating ₱250.
Ayon sa mga tindera ng bulaklak, nasa higit 50% na ang itinaas sa kuha nila sa kanilang supplier sa Dangwa kaya awtomatiko ring nagdagdag sila sa presyo ng paninda.
Samantala, wala namang dagdag-presyo sa kandila na mabibili sa ₱10-₱70 kada piraso hanggang ₱180 naman kung nakalagay sa baso.
Sa ngayon, gumaganda na raw kahit papano ang bentahan nila ng bulaklak dahil sa mga bumibisita na ng maaga sa sementeryo.
Gayunman, inaasahan ng mga nagtitinda na magsisimulang dumami ang mamimili at bibisita sa sementeryo simula sa bisperas ng Undas sa October 31. | ulat ni Merry Ann Bastasa