Ipagpapatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Capital Region (NCR) ngayong araw ang pamamahagi nito ng cash-for-work (CFW) sa mga magulang o guardian ng mga hirap at hindi marunong magbasa na mga batang benepisyaryo ng Tara, Basa! Tutoring Program.
Batay sa iskedyul ng DSWD, muli itong magsasagawa ng payout ngayong Huwebes at Biyernes sa Valenzuela City.
Target dito ang nasa 2,800 na mga magulang at guardian ng non-reader elementary beneficiaries.
Ayon sa DSWD, nitong Miyerkules, mayroon nang 1,000 magulang ang tumanggap ng cash-for-work.
Kapalit ng pagdalo sa Nanay-Tatay sessions, bawat magulang o guardian ay binibigyan ng ₱235 fee per session. Kaya naman, maaaring makatanggap ang mga ito ng hanggang ₱2,585 kung nakakumpleto ng 11 sessions para sa buwan ng Agosto at Setyembre.
Ang “Nanay-Tatay” session ay isang bahagi ng Tara, Basa! Tutoring Program kung saan ang mga magulang at guardian ng mga batang hindi marunong o hirap magbasa ay dumadalo sa mga learning session at parenting session. | ulat ni Merry Ann Bastasa