Nakaalaerto na rin ang National Electrification Administration (NEA), kasama na ang 121 electric cooperatives (ECs) para sa nalalapit na Barangay at SK Elections.
Inactivate na ng NEA ang 24-hour power situation monitoring system nito upang masiguro ang matatag na suplay ng kuryente sa panahon ng halalan sa susunod na linggo.
Alinsunod ito sa direktiba ng COMELEC kung saan naatasan ang NEA na maghatid ng stable at walang patid na nationwide electric power requirement mula sa simula ng botohan, sa pagtatapos ng bilangan hanggang sa proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Kaugnay nito, inatasan na ni NEA Administrator Almeda ang lahat ng ECs na tiyaking matatapos ang lahat ng maintenance activities sa critical network at non-network assets at magsagawa ng ocular inspections sa kanilang mga pasilidad sa voting centers.
Nakatutok na rin ang ‘Power Task Force Election 2023’ ng NEA na kinabibilangan ng Engineering Department (ED), Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), Total Electrification and Renewable Energy Development Department (TEREDD), Human Resources and Administration Department (HRAD), Corporate Communications and Social Marketing Office (CCSMO), Information Technology at Communication Services Department (ITCSD) at Finance Services Department (FSD). | ulat ni Merry Ann Bastasa