Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development na mayroong 761,140 sambahayan ang muling ibinalik bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito matapos ang ginawang reassessment sa 1.1 milyong households na una nang natukoy na “non-poor” at naalis sa programa.
Ayon kay DSWD 4Ps National Program Manager and Director Gemma Gabuya, sa isinagawang reassessment sa pamamagitan ng Social Welfare and Development Indicator (SWDI) mula Hulyo hanggang nitong Setyembre, natukoy na malaking porsyento pa rin ng mga pamilya ang nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
Aniya, malaki ang naging epekto ng pandemya kaya muling naghirap ang mga pamilyang ito kasama pa ang ibang economic factors gaya ng inflation.
Sa ngayon, pinaproseso na aniya ng DSWD ang pagbabalik ng cash grant sa mga pamilyang ito na maaaring masimulan muli sa Disyembre o Enero ng susunod na taon.
Samantala, mayroon namang higit sa 339,000 na pamilya ang natukoy ng DSWD na nakamit na ang self-sufficiency o antas kung saan hindi na sila maituturing na mahirap.
Sa kabuuan, aabot na sa higit apat na milyon ang kasalukuyang benepisyaryo ng 4PS sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa