Ibinahagi sa Senado ni National Authority for Childcare Executive Director at DSWD Undersecretary Janella Estrada ang isang video footage kung saan ikinukwento ng ilang batang nasagip mula sa Gentle Hands Orphanage ang pananakit na ginagawa sa kanila.
Ito ay sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality tungkol sa cease and desist order na inilabas laban sa gentle hands orphanage.
Sa naturang video, tinukoy ng mga batas ang isang ‘Kuya Eddie’ na namamalo sa kanila ng tsinelas habang ang ibang bata naman ay nakakaranas umano ng panununtok at pananampal.
Tiniyak naman ni Estrada na sa ngayon ay nasa mabuting kalagayan na ang 70 na mga batang nasagip mula sa naturang ampunan.
Ngayon aniya ay napapakain na sila ng maayos, napapaliguan, nakakapag-aral at nakakapaglaro na ng malaya.
Kinumpirma naman ng legal counsel ng Gentle Hands na si Atty. Tina Balajadia na kilala niya ang trinutukoy na ‘Kuya Eddie’ ng mga bata pero hindi niya alam ang sumbong na ito ng mga bata.
Bilang depensa ay nagpresenta rin ng video si Balajadia kung saan maririnig ang ilang bata na nagsasabing tinuturuan silang gumawa ng kwento na sinasaktan sila sa ampunan.
Kaugnay ng magkaibang pahayag na ito ay tinanong ni Committee Chairperson Senadora Risa Hontiveros ang Commission on Human Rights (CHR) kung paano nila ine-evaluate ang magkaibang impormasyon.
Sinabi ng CHR na nagkakaroon rin sila ng sarili nilang imbestigasyon kung saan kinakausap nila ng hiwalay ang mga bata, maaaring sa pamamagitan ng focus group discussion o sa one-on-one na pag-uusap.
Nanindigan naman si DSWD Secretary Rex Gatchalian na hindi iniimpluwensyahan ng kanilang social workers, child psychologists, at care managers ang mga bata na magsabi ng kung anu-ano. | ulat ni Nimfa Asuncion