Hiniling ni House Committee on the Welfare of Children Chair Angelica Natasha Co na masinsinang imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkasawi ng isang Grade 7 na estudyante sa loob mismo ng Campus ng Rizal Technological University (RTU).
Punto ni Co, na mula nang magsimula ang on-campus in-person classes ay may ilang kaso na ng pagkasawi ng mga estudyante na dapat tutukan ng mga otoridad.
Kasabay nito, hiling din ng mambabatas na maabutan ng tulong sa pamamagitan ng AICS program ng Department of Social Welfare and Development ang pamilya ng nasawing mag-aaral.
Pinakikilos din ng kinatawan ang Commission on Higher Education (CHED), para alamin kung may pananagutan ba ang eskwelahan.
Sa isang Facebook post ng RTU, kinumpirma ng pamunuan ang insidente ngunit hindi na nagbigay ng iba pang detalye sa kung ano ang dahilan ng pagkasawi ng estudyante.
Ang siniguro lang ng pamunuan ng RTU, na magiging transparent sila sa imbestigasyon at bibigyang prayoridad ang pagtulong at pagbibigay ng suporta sa kanilang mga estudyante at teaching staff.
Mayroon anila silang inilaan na counselling hotline para sa mga nahihirapang iproseso ang nangyari sa kasamang estudyante. | ulat ni Kathleen Forbes