Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo na nananatiling mapayapa ang pangkalahatang sitwasyong panseguridad sa nalalapit na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng pagtaas ng insidente ng Election Related Incidents (ERI).
Ang pahayag ay ginawa ni Fajardo matapos na umakyat sa 23 kahapon ang bilang ng kumpirmadong ERI mula sa 22 kamakalawa.
Ito ay mula sa 129 na insidenteng naitala ng PNP mula August 28 hanggang October 26, kung saan 29 ang suspected ERIs at 77 ang non-ERI.
Ang mga insidenteng ito ay naitala sa Ilocos Region, Calabarzon, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Cordillera Administrative Region (CAR), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi naman ni Fajardo na sa ngayon ang bilang ng kumpiradong ERI ay mababa pa rin sa 40 ERI na naitala noong 2018 BSKE. | ulat ni Leo Sarne