Nagpahayag ng suporta ang ilang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa panukala para magtatag ng isang OFW Social and Retirement System.
Nilalayon ng House Bills 176, 5902, 6612, at 8574 na magkaroon ng hiwalay na social at pension system para sa mga OFW.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, sa kanilang pakikipagdayalogo sa mga OFW veterans o yung mga dati nang OFW, ang pagkakaroon ng pension system ang matagal na nilang hinihingi.
Pagbabahagi naman ni DMW Assistant Secretary Venecio Legaspi na dati na ring nagsilbi bilang OFW ng 29 na taon, bagamat maganda ang programa kailangan isaalang-alang na marami sa mga OFW na nangangailangan ng social security service ay yun mga undocumented.
Sa kasalukuyang bersyon kasi ng panukala, ang social at pension system ay para lamang sa mga documented OFW.
Kailangan din aniya ng malinaw na panuntunan sa deduction sa sweldo ng OFW at proseso ng hatian nila ng employer at exchange rate.
Sa panig naman ng DFA Migrant Workers Affairs, pinatitiyak lamang nila na kahit lumipat ng ibang bansa ng pagtatrabahuhan ang OFW ay may carryover ang kaniyang hinuhulugan.
Aminado naman ang mga ahensya na kailangan muna ring hingin ang panig ng Social Security System dahil sa kasalukuyan sila ang may sakop sa social security service para sa mga OFW. | ulat ni Kathleen Jean Forbes