Maraming pasahero na ang maagang nagpareserba ng kanilang biyahe pa-Norte sa terminal ng Victory Liner sa Kamias, Quezon City.
Ayon sa dispatcher, fully booked na ang mga biyahe papunta ng Isabela, at Tuguegarao simula mamayang gabi, October 27 hanggang October 31.
Gayunman, wala naman aniyang dapat ipag-alala ang mga pasahero dahil may mga bakante pa naman sa kanilang pang-umagang byahe na nagsisimula ng alas-3 ng madaling araw.
Kasama rin sila sa nabigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya may mga dagdag na bus sila para ma-accomodate ang dagsa ng mga pasahero.
Sa ngayon, hindi pa ramdam ang dagsa ng mga pasahero sa naturang terminal.
Inaasahang simula mamayang hapon pa magdadatingan ang bugso ng mga biyaherong luluwas sa kanilang mga probinsya para sa BSKE at Undas.
Handa naman ang Victory Liner na may malaking tent nang nakalatag at mga monoblock kung saan maaaring maghintay ang mga chance passenger. | ulat ni Merry Ann Bastasa