Ipinamalas ng Philippine Navy ang kanilang “firepower” sa isinagawang Live Firing Exercise (LFX), Gunnery Exercise (GUNNEX) at Spike-ER Firing sa karagatan ng Capones Island, San Antonio, Zambales kahapon.
Ang pagsasanay ay bahagi ng “Sea Phase” ng “Exercise Pagbubuklod”, para mahasa ang kakayahan at kumpiyansa ng mga tropa sa “Lethal Capabilities” ng mga modernong armamaento.
Tampok sa ehersisyo ang dalawang Jose Rizal-class frigate kasama ang mga multipurpose attack craft (MPAC) na may Spike-ER missile.
Ayon kay Fleet Public Affairs Office Director Lt. Giovanni M. Badidles, ang matagumpay na pagsasanay ay katuparan ng pangkalahatang layunin ng Exercise Pagbubuklod na ma-optimize ang mga asset at personnel sa pag-buo ng mga taktika na sisiguro sa tagumpay ng mga operasyon.
Pormal na nagtapos ang Exercise Pagbubuklod ngayong umaga sa pamamagitan ng programang pinangunahan ni Philippine Fleet Commander Rear Admiral Renato David, at Exercise Director Romeo Musuela, sa Naval Operating Base Subic, Zambales. | ulat ni Leo Sarne
📷Fleet PAO