Nakahanda na ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pagdagsa ng mga pasahero para sa paggunita ng Undas at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaasahan na sisipa ng 17,000 hanggang 20,000 na mga pasahero kada araw simula ngayong Biyernes hanggang Linggo ang mga dadagsa sa mga pantalan.
Inihayag din ni Santiago na ipinatutupad ng PPA ang “no leave policy” sa mga kawani ng ahensya dahil abala ang mga pantalan ngayong peak season.
Tiniyak naman ng opisyal na nakahanda na rin ang mga pantalan sa buong bansa kung saan mayroong mga charging station, water refilling station, prayer room, at malinis na palikuran.
Nagpaalala naman ang PPA sa mga pasahero na huwag magpadala sa mga fixer at scalper na nagtitinda ng ticket sa mas mahal na halaga sa labas ng mga pantalan dahil hindi ito awtorisado ng PPA. | ulat ni Diane Lear