Nagpasalamat si Senate Committee on Local Government Chairperson Senador JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpirma bilang isang ganap na batas ng Automatic Income Classification of Local Government Units Law (RA 11964).
Ayon kay Ejercito, ang batas na ito ay makakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng ating bansa at magpapahusay ng otonomiya ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng naturang batas, itatakda ang income threshold para sa mga probinsya, siyudad, at munisipalidad at bibigyan ng kapangyarihan ang secretary ng Department of Finance (DOF) na regular na i-reclassify ang mga LGU at irebisa ang mga income ranges ng mga ito.
Sinabi ng senador na ang naturang batas ay gagabay sa national government na episyenteng mailaan ang resources nito para sa local government personnel at sa pamamahagi ng financial grants sa mga LGU.
Layunin aniya ng batas na ito na i-synchronize ang reklasipikasyon ng mga LGU sa termino ng mga lokal na opisyal na inihalal.
Ang batas na ito rin aniya ang tutukoy sa minimum wage para sa domestic workers alinsunod sa RA 10361 o ang Batas Kasambahay. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion