Aabot na sa halos 29,000 ang bilang ng mga outbound habang higit sa 25,000 inbound passengers na ang naitatala na ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong araw habang papalapit ang Barangay and SK Elections at Undas.
Ayon sa PCG, simula alas-12 ng hatinggabi hanggang ala-6 kaninang umaga umabot sa 28,968 outbound passengers at 25,650 inbound passengers ang dumagsa na sa mga pantalan.
At para masiguro ang kaligtasan sa mga ports, 3,092 dedicated frontline personnel mula sa 15 PCG Districts ang naikalat na sa iba’t bahagi ng bansa kung saan aabot sa 225 na sasakyang pandagat at 254 motorbancas ang kanila nang nainspeksyon.
Una na ring itinaas ng PCG ang mga district, statations, at sub-stations nito sa heightened alert simula noong October 25 hanggang November 6 para mapanatili ang maayos na daloy ng mga biyahero.
Pinadali na rin ng PCG ang pakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa mga nagbabalak bumiyahe ngayong eleksyon at Undas sa pamamagitan ng pag-contact sa kanilang official Facebook page o pagtawag sa Coast Guard Public Affairs bilang 0927-560-7729. | ulat ni EJ Lazaro