Welcome para kay Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe ang pagbuo ng Water Management Office habang nakabinbin pa sa Kongreso ang mga panukalang batas para sa pagtatatag ng isang hiwalay na ahensyang mangangasiwa sa suplay ng tubig ng bansa.
Para kay Poe, napapanahon ang naging hakbang na ito ng Ehekutibo.
Umaasa ang senadora na makakatulong ang bagong tatag na opisina para matugunan ang nagbabantang krisis sa tubig sa Pilipinas.
Aniya, napaka-ironic na ang isang archipelagic na bansang napapaligiran ng karagatan tulad ng pilipinas ay magkakaroon ng water crisis dahil lang sa watak-watak na resource management.
Pinunto ng mambabatas na sa kasalukuyan, hindi bababa sa tatlumpung line-agencies ang may mandatong may kaugnayan sa pangangasiwa sa tubig sa bansa, na nagreresulta naman sa pagkakaiba iba ng mga polisiya at inilalabas na kautusan ng mga ahensyang ito.
Kaya naman sa development na ito ay umaasa si Poe na masisimulan na ang pagkakaroon ng mas integrated at holistic na approach sa problema sa tubig.
Sa ngayon aniya ay pinagtatrabahuhan na ng lehislatura at ehekutibo ang pagkakaroon ng pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng isang bagong water reform bill upang matiyak ang sapat, malinis at abot-kayang tubig para sa lahat ng mga Pilipino. | via Nimfa Asuncion